Hanggang sa mga labi ng bangin.
Isang malutong na malutong na PAKSHET muna para sa lahat ng bagay at tao na minamahal ko ng sobra (Sabay duet namin ng isang matalik na kaibigan: Eh pano mo naman nasabing sobra na? Sabay tawa ng malakas.) pati sa mga bagay at tao na hindi ko mabitaw-bitawan.
Malapit na naman ako sa mga labi ng bangin pero hindi pa rin ako nakapagpapasya. Alam ko na kung gusto ko na talagang lumipad at kung ayaw kong mahulog ay marapat lamang na ako ay magpasya na sa kung anu-ano lang ba at sa kung sinu-sino lang ba talaga ang mga dapat kong dalhin at isama.
Pero naninigas lang ako. Dito. Ngayon.
At sa isang iglap ay biglang nagbalik ang takot ko sa mga matataas na lugar
at sa mga nalalaglag na bagay,
tao,
bahagi,
pangarap.
*
(sa bawat isa sa inyong hawak ko ngunit hindi ko masaklaw)
Hindi ako nagbabanggit ng pangalan dahil ang espiritu ay hindi naikakahon. Ikaw ay hindi ang hininga mo; hindi ang mga linya na bumubuo sa katawan mo.
Hindi ako nagbabanggit ng pangalan dahil hindi maaaring angkinin ng mga labi ko, ng dila ko ang kahiwagaan, kabuuan at kalaliman, kalawakan. Ikaw ay nariyan, karugtong ko ngunit ikaw ay hindi akin. Hindi kita maaaring ikahon at yakapin sa pamamagitan lamang ng mga titik at himig ng boses ko; ng boses na hindi naman din akin.
Ikaw ay walang pangalan at hindi kita maaari kailanmang tawagin sa kahit na anumang paraan. Ikaw ang wala at nakahihigit; ikaw ang lahat maging ang pinakamaliit. Ikaw ang dahilan at ikaw din ang kaganapan.
- maging ang pinagmumulan ng katwiran.
*
Ngunit kaya ko ba talaga siyang sagarin?
Nasaan ba ang dulo at sino ba ang makapagsasabing dapat ko nang putulin?
*
Sasama ako sa'yo,
Hanggang sa mga labi ng bangin.
Nakatingkayad.
Nakatingala.
At hawak-kamay tayong lilipad
Papalayo, papalapit
Kung saan atin lang ang langit.
(Balang araw kapag ganap na ang katapangan ko)
*
Patlang na kabuntung-hininganahan,
Mga liham na eroplano sa langit.
Mga puwang at tanong
Mga
nakabiting pangu-
ngusap,
halik
hikbi
hikab.
Ngayong pasko,
ito naman ang naging pagkain ko.
(Sagot sa tula ng isang kaibigan)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home