Ma naligaw/naliligaw na kuting.

Sumakay ang kuting sa maling kariton isang gabi. Ang akala niya kasi'y iyon ang karitong sinasakyan niya kapag siya ay pauwi. Magkamukha kasi.

Sumakay ang kuting sa maling kariton bitbit ang wasak niyang puso. Ang kariton pala'y papunta sa isang lugar na ni minsan ay hindi pa niya napupuntahan.

Sumakay ang kuting na may wasak na puso sa maling kariton na nagpasyang iwanan na lang siya sa gitna ng kalsada dahil hindi naman siya pupunta sa pupuntahan nito.

Nakipagpatintero ang kuting sa mga sasakyang may dala-dalang mga pangalan ng lugar na hindi niya alam. Nanghihina siya dahil sa pagod at gutom ngunit higit sa lahat dahil sa wasak niyang puso.

Naghintay ang kuting ng tamang karitong sasakyan.

May dumating na isa, dalawa, tatlo. Ang dami-daming kariton ngunit wala siyang masakyan. Hanggang sa may dumating na isa. Naisip niyang maihahatid siya nito malapit sa kanyang tahanan.

Sumakay siya sa kariton at dinala siya nito sa kung saan-saang singit ng siyudad. Naisip niya ang lahat ng mga negatibong bagay na maaari niyang maisip. Paano kung maaksidente sila, paano kung iligaw siya ng drayber, paano kung masiraan ang kariton at maiwan na lang siya sa gilid ng kalsada, paano kung patayin siya. Ang totoo nga'y handa na siyang tanggapin ang anumang masamang maaaring mangyari sa kanya. Inihanda na siya ng wasak niyang puso. Kaya lamang, nakalulungkot isipin na matatagpuan ang kanyang mga labi (kung matatagpuan man ito) sa isang lugar na hindi siya nabibilang at magaganap ang lahat sa kabila ng mahihimbing na tulog ng mga taong mahal niya.


Subalit sa kanyang mumunting pagpapasalamat, wala namang nangyaring anuman sa kanya maliban sa muntikan na siyang habulin ng apat na adik.

Iyon ang pinakamahaba at pinakanakakapagod na byahe ng buhay niya.


*

May pakiramdam ang kuting na hindi sapat ang binibigyan siya ng gatas at tinik para masabing siya ay tunay na minamahal. Hindi sapat na sinasabihan siyang mahal siya.


Simpleng oras lang naman at mapagmahal na haplos kasi ang hinihiling niya.
Hindi pa maibigay.


*

Maghapong naghintay ang kuting sa iyong pag-uwi. Palagi na lang ganoon ang eksena. Mananabik siya sa iyo at kapag nariyan ka na, hihimasin mo lang saglit ang kanyang ulo tapos ay matutulog ka na sa pagod.

Mabuti pa ang kapitbahay mo maraming panahong makipaglaro at makipagkwentuhan sa kanya. Bukod dun, pinaparamdam din sa kanya nito na siya ay maganda at nakakaaliw - na siya ay mahalaga.


*

Magigi't-magiging pusa pa rin naman siya balang araw kahit pa ang mundong ginagalawan na niya ngayon ay mundo ng mga tao at hindi ng mga pusa.


Ang sarili, higit anuman, ang hinding-hindi maaaaring takasan.


*

Maliit pa siya ngunit matapang na.
Pinatapang ng kanyang pag-iisa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home







Photobucket - Video and Image Hosting



Photobucket - Video and Image Hosting
Photobucket - Video and Image Hosting
Bayan
Bulatlat
League of Filipino Students
Phil. Blog Carnival
Philippine Collegian
Piercing Pens
Pinoy Blog
Pinoy Weekly
Post Secrets
Purebeef
Sinewaya
Southern Tagalog Exposure
Young Blood
Young Radicals
Photobucket - Video and Image Hosting